Nagsimula na po ang National Vaccination Days sa ikatlong pagkakataon ngayong  Pebrero 10, 2022. Ito ay upang makamtan ng pambansang pamahalan ang target na mabakunahan ang 77 milyong Pilipino sa unang tatlong buwan ng taon para makamit ang tinatawag na herd immunity. Ayon sa Philippine News Agency noong January 14, 2022, ang Pilipinas ay nakapagbigay na ng 117,337,626 dosis ng bakuna ng coronavirus sa buong bansa at mayroon namang 54,423,286 Filipinos ang nabigyan nang kumpletong dosis.

Ang Lokal na Pamahalaan ng Science City of Muñoz sa pangunguna ni Mayor Nestor Alvarez, Ph.D., kasama po ang ating mga health workers at front liners ay humihikayat sa lahat na karapatdapat na magpabakuna.  Nanawagan din si NTF Chief Secretary Carlito Galvez  sa mga local government units (LGUs) na patuloy na palakasin ang kanilang mga diskarte sa pagbabakuna upang masakop ang pinakamaraming Pilipino.